
Ang Bibliya sa sining
Ang paghahandog kay Isaac
Giovanni Domenico Tiepolo · mid-1750s
Bumaba ang anghel mula sa ulap at naabutan ang kamay na nakataas na sa ibabaw ni Isaac. Nakaluhod ang binata sa tabi ng mga patpat, may telang mapula sa likuran at maputing balabal sa baywang. Tumingala si Abraham, kaya sa anghel at sa nakaharang nitong bisig napunta ang bigat ng sandali. Sa Genesis 22, tinawag si Abraham bago pa niya masaktan ang anak. Saka lamang niya nakita ang tupang maihahandog bilang kapalit. Sa larawan ni Tiepolo, napakaliit ng pagitan ng dalawang kamay sa maluwag na bughaw ng langit. Sapat na ang salubong na iyon para maputol ang galaw ng buong tagpo.
Talata ng Bibliya
Genesis 22:1–14 · ULB
- 22:1
Nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito na sinubok ng Diyos si Abraham. Sinabi niya sa kanya, “Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito ako.”
- 22:2
Pagkatapos sinabi ng Diyos, “Kunin mo ang iyong anak, ang kaisa-isa mong anak, na iyong minamahal, si Isaac, at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya roon bilang handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na ituturo ko sa iyo.”
- 22:3
Kaya maagang bumangon kinaumagahan si Abraham, inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga kabataang lalaki, kasama si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin, at naglakbay patungo sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya.
- 22:4
Sa ikatlong araw, tumingala si Abraham at natanaw niya ang lugar sa kalayuan.
- 22:5
Sinabi ni Abraham sa kanyang mga kabataang lalaki, “Manatili kayo rito kasama ang asno, at pupunta ako roon kasama ang bata. Sasamba kami at muling babalik sa inyo.”
- 22:6
Pagkatapos kinuha ni Abraham ang kahoy para sa handog na susunugin at ipinapasan ito kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang kutsilyo; at kapwa silang umalis na magkasama.
- 22:7
Kinausap ni Isaac si Abraham na kaniyang ama at sinabing, “Aking ama,” at sumagot si Abraham, “Narito ako, aking anak.” Sinabi niya, “Narito, ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang tupa para sa handog na susunugin?”
- 22:8
Sinabi ni Abraham, “Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tupa para sa handog na susunugin, aking anak.” Kaya sila ay nagpatuloy nang magkasama.
- 22:9
Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya, gumawa si Abraham ng isang altar at inilatag niya ang kahoy dito. Pagkatapos tinalian ni Abraham si Isaac na kanyang anak, at inilagay niya ito sa altar, sa ibabaw ng kahoy.
- 22:10
Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay na hawak ang kutsilyo para patayin ang kanyang anak.
- 22:11
Pero tinawag siya ng anghel ni Yahweh mula sa langit at sinabing, “Abraham, Abraham!” at sinabi niya, “Narito ako.”
- 22:12
Sinabi niya, “Huwag mong pagbuhatan ng kamay, ni gumawa ng anuman para saktan siya, sapagkat ngayon alam kong may takot ka sa Diyos, nakikita kong hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac sa akin.
- 22:13
Tumingala si Abraham nang biglang, may isang tupa sa likuran niya ang sumabit ang sungay sa mga halaman. Pinuntahan at kinuha ni Abraham ang tupa at inalay ito bilang handog na susunugin sa Diyos sa halip na ang kanyang anak.
- 22:14
Kaya tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na, “Si Yahweh ang magbibigay,” at tinatwag din hanggang sa araw na ito, “Sa bundok ni Yaweh, ito ay ibibigay.”
