Tagalog
Menu
Si Moises at ang nagliliyab na palumpong — Andrea Schiavone (Andrea Meldola). Sa itaas na ukit ng pahina, napahinto si Moises sa gitna ng mga tupa.
Harris Brisbane Dick Fund, 1927 · The Metropolitan Museum of Art

Ang Bibliya sa sining

Si Moises at ang nagliliyab na palumpong

Andrea Schiavone (Andrea Meldola) · ca. 1544–48

Sa itaas na ukit ng pahina, napahinto si Moises sa gitna ng mga tupa. Nakatingala siya sa mga linyang umaalon paitaas mula sa mababang halaman, habang ang isang kamay ay malapit sa paa niya. Malayo pa sa likuran ang mga bubong at mas malaki sa ibaba ang hiwalay na larawang may mga taong nasa bangka. Sa Exodo 3, lumapit ang nagpapastol dahil may halamang nagliliyab na hindi natutupok. Doon siya tinawag, pinag-alis ng sandalyas at inutusang bumalik sa Ehipto. Kahit walang kulay ang apoy sa ukit ni Andrea Schiavone, iba ang taas at kilos ng mga guhit nito sa mga dahong nakapaligid.

Talata ng Bibliya

Exodo 3:1–12 · ULB

  1. 3:1

    Ngayon si Moises ay nagpapastol pa rin ng kawan ng biyenan niyang si Jetro, ang pari ng Midian. Pinangunahan ni Moises ang kawan sa malayong dako ng ilang at dumating sa Horeb, ang bundok ng Diyos.

  2. 3:2

    Doon ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kaniya sa isang nagliliyab na apoy sa mababang puno. Tumingin si Moises at nakita na nagliliyab ang puno pero ito ay hindi nasusunog.

  3. 3:3

    Sinabi ni Moises, “Lilingon ako at titingnan ang kahanga-hangang bagay na ito, bakit ang puno ay hindi nasusunog.”

  4. 3:4

    Nang makita ni Yahweh na lumingon si Moises para tingnan, tumawag ang Diyos sa kaniya mula sa mababang puno at sinabi, “Moises, Moises.” Sinabi ni Moises, “Narito po ako.”

  5. 3:5

    Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit! Hubarin mo ang sapatos sa iyong mga paa, dahil ang lugar na kinatatayuan mo ay lupang inilaan sa akin.”

  6. 3:6

    Dagdag pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Pagkatapos tinakpan ni Moises ang kaniyang mukha, dahil takot siyang tumingin sa Diyos.

  7. 3:7

    Sinabi ni Yahweh, “Tunay na nakita ko ang pagdurusa ng aking bayan na nasa Ehipto. Narinig ko ang kanilang pagsigaw dahil sa kanilang mahihigpit na tagapangasiwa, dahil alam ko ang tungkol sa kanilang pagdurusa.

  8. 3:8

    Bumaba ako para palayain sila mula sa kapangyarihan ng mga taga-Ehipto at dalhin sila mula sa lupaing iyon patungo sa mabuti at malawak na lupain, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot; sa rehiyon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita, at mga Jebuseo.

  9. 3:9

    Ngayon ang mga pagsigaw ng bayan ng Israel ay nakarating sa akin. Bukod dito, nakita ko ang pagmamalupit na dulot ng mga taga-Ehipto.

  10. 3:10

    Kaya ngayon, ipapadala kita kay Paraon para dalhin mo ang aking bayan, ang mga Israelita, palabas mula sa Ehipto.”

  11. 3:11

    Pero sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino ba ako, na dapat akong magpunta kay Paraon at dalhin ang mga Israelita mula sa Ehipto?”

  12. 3:12

    Sumagot ang Diyos, “Ako ay tiyak na makakasama mo. Ito ang magiging palatandaan na pinadala kita. Kapag nailabas mo ang bayan mula sa Ehipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”