Tagalog
Menu
Ang mabuting Samaritano — Alexandre-Gabriel Decamps. Matingkad ang tama ng araw sa dingding, ngunit nasa lilim sa ibaba ang mga taong nag-aasikaso sa isang sugatan.
H. O. Havemeyer Collection, Gift of Horace Havemeyer, 1929 · The Metropolitan Museum of Art

Ang Bibliya sa sining

Ang mabuting Samaritano

Alexandre-Gabriel Decamps · by 1853

Matingkad ang tama ng araw sa dingding, ngunit nasa lilim sa ibaba ang mga taong nag-aasikaso sa isang sugatan. Mababa ang kinalalagyan nila sa malaking larawan. May hayop na nakahinto sa kaliwa, mga baitang sa kanan at nakasilip na mga tao sa ibabaw ng pader. Sa Lucas 10, binendahan ng Samaritano ang sugat ng lalaking iniwan ng mga magnanakaw. Isinakay niya ito sa alagang hayop at dinala sa bahay-panuluyan upang maalagaan. Ang pagdating ang pinili ni Decamps, kung kailan kailangan pang buhatin ang sugatan mula sa daan. Sa ilalim ng mataas na arko, ang maliliit na taong gumagawa niyon ang pinakatahimik na bahagi ng abalang bakuran.

Talata ng Bibliya

Lucas 10:25–37 · ULB

  1. 10:25

    Masdan ito, may isang guro ng kautusan ng Judio na tumindig at sinubukan siya, sinabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng walang hanggang buhay?”

  2. 10:26

    Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ano ang nakasulat sa kautusan? Paano mo ito binabasa?”

  3. 10:27

    Sumagot na nagsabi siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong kaisipan, at ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”

  4. 10:28

    Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tama ang iyong sinabi. Gawin mo ito, at mabubuhay ka.”

  5. 10:29

    Ngunit ang guro na naghahangad na na bigyang katuwiran ang kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”

  6. 10:30

    Sumagot na nagsabi si Jesus, “May isang tao na bumaba sa Jerico mula sa Jerusalem. Nahulog siya sa kamay ng mga magnanakaw, na sumamsam sa kaniyang mga ari-arian, at binugbog siya, at iniwan siyang halos patay na.

  7. 10:31

    Nagkataon na may isang pari ang bumaba sa daang iyon, at nang siya ay nakita nito, siya ay dumaan sa kabila ng daan.

  8. 10:32

    Gayon din naman sa isang Levita, nang siya ay dumating sa lugar at nakita siya, ay dumaan sa kabila ng daan.

  9. 10:33

    Ngunit isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya. Nang makita siya, siya ay nahabag.

  10. 10:34

    Lumapit siya sa kaniya at binendahan ang kaniyang mga sugat, nilagyan ng langis at alak ang mga ito. Sinakay siya sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-panuluyan, at inalagaan siya.

  11. 10:35

    Nang sumunod na araw, siya ay kumuha ng dalawang denaryo, at ibinigay sa katiwala ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Alagaan mo siya at anumang magagastos mong labis, sa aking pagbalik, babayaran kita.'

  12. 10:36

    Sino sa tatlong ito, sa tingin mo, ang naging isang kapwa sa kaniya na nahulog sa mga magnanakaw?”

  13. 10:37

    Sinabi ng guro, “Ang nagpakita ng awa sa kaniya.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Humayo ka at gayon din ang gawin mo.”