
Ang Bibliya sa sining
Ang himala ng tinapay at isda
Jacopo Tintoretto (Jacopo Robusti) · ca. 1545–50
Mahaba ang pagpipinta at maraming taong nakaupo sa lupa, kaya parang umaabot sa labas ng magkabilang gilid ang pagtitipon. Nasa bandang gitna si Jesus, may nakabukang bisig at damit na pula at asul. May ilan sa likurang nakatayo pa habang ang malapit sa harap ay nakaharap sa iba't ibang direksiyon. Sa Juan 6, pinaupo niya ang mga tao sa damuhan. Mula sa limang tinapay at dalawang isdang dala ng isang bata, may naipamahagi sa lahat at mayroon pang naipong natira. Sa laki ng pagkalat ng mga katawan sa larawan ni Tintoretto, madaling maunawaan kung bakit unang pinag-usapan ng mga alagad kung paano mapapakain ang ganoong karaming tao.
Talata ng Bibliya
Juan 6:1–14 · ULB
- 6:1
Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus ay umalis papunta sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea, na tinatawag din na Dagat ng Tiberias.
- 6:2
Napakaraming tao ang sumusunod sa kaniya dahil nakikita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa may mga sakit.
- 6:3
Umakyat si Jesus sa gilid ng bundok at naupo doon kasama ang kaniyang mga alagad.
- 6:4
(Ngayon ang Paskwa na kapistahan ng mga Judio ay malapit na).
- 6:5
Nang tumanaw si Jesus at nakita ang napakaraming taong lumalapit sa kaniya, sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makabili ng tinapay upang ang mga taong ito ay makakain?”
- 6:6
(Ngunit sinabi ito ni Jesus upang subukin si Felipe, sapagkat alam niya sa kaniyang sarili kung ano ang kaniyang gagawin.)
- 6:7
Sumagot si Felipe sa kaniya, “Ang tinapay na nagkakahalaga ng dalawang daang denario ay hindi magkakasya para sa bawa't isa kahit na bigyan ng tig-kakaunti.”
- 6:8
Isa sa mga alagad, si Andres, kapatid ni Simon Pedro, ay nagsabi kay Jesus,
- 6:9
“Mayroong isang batang narito na mayroong limang sebadang tinapay at dalawang isda, ngunit ano ang mga ito sa ganito karaming tao?”
- 6:10
Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” (Ngayon madamo sa lugar na iyon.) Kaya naupo ang mga tao, mga limang libo ang bilang.
- 6:11
At kinuha ni Jesus ang mga tinapay at matapos makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga taong nakaupo. Sa ganoon ding paraan, ipinamahagi din niya ang mga isda, hangga't sa gusto nila.
- 6:12
Nang nabusog na ang mga tao, sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Ipunin ang natirang mga pira-piraso, para walang masayang.”
- 6:13
Kaya inipon nila ang mga ito at puno ang labindalawang kaing ng mga pira-pirasong mula sa limang sebadang tinapay - ang mga pirasong natira mula sa mga nakakain.
- 6:14
At nang makita ng mga tao ang tandang ito na kaniyang ginawa, sinabi nila, “Ito ang tunay na propeta na siyang darating sa mundo.”
