Mga Awit 76
Banal na Bibliya · CC BY-SA 4.0 Tagalog Unlocked Literal Bible © 2018 Door43 World Missions Community. La redistribución de este corpus conserva la licencia CC BY-SA 4.0.
-
1
Ipinakilala ng Diyos ang kaniyang sarili sa Juda; ang kaniyang pangalan ay dakila sa Israel.
-
2
Ang kaniyang tolda ay nasa Salem; ang kaniyang pinananahanan ay nasa Sion.
-
3
Doon, sinira ang mga palaso ng pana, ang kalasag, ang espada, at ang ibang mga sandata sa labanan. Selah
-
4
Kumikinang ka at ipinakita mo ang inyong kaluwalhatian, habang bumababa ka mula sa mga bundok, kung saan pinatay mo ang iyong mga biktima.
-
5
Ang mga matatapang ay nanakawan; nakatulog sila. Lahat ng mga mandirigma ay walang nagawa.
-
6
Sa iyong pagsaway, Diyos ni Jacob, parehong nakatulog ang kabayo at ang sakay nito.
-
7
Totoong ikaw nga ay dapat katakutan; sino ang makakatagal sa iyong paningin kapag ikaw ay nagalit?
-
8
Ang iyong paghatol ay nagmula sa langit; ang mundo ay takot at tahimik.
-
9
Ikaw, O Diyos, ay tumindig para isagawa ang paghatol at para iligtas ang lahat ng naapi sa mundo. Selah
-
10
Tunay nga, na ang iyong galit na paghatol sa mga taong iyon ay magdadala sa iyo ng papuri. Ganap mong ipinakita ang iyong galit.
-
11
Gumawa kayo ng mga pangako kay Yahweh na iyong Diyos at tuparin ang mga ito. Nawa lahat ng nakapaligid sa kaniya ay magdala ng kaloob, na siyang dapat katakutan.
-
12
Ibinababa niya ang lakas ng loob ng mga prinsipe; siya ay kinatatakutan ng mga hari sa mundo.
